Saint Raphael Luksuhin Ibaba
Raphael's name means"God heals." St.Raphael Chapel-Saint John Nepomucene Parish
24/10/2024
𝗢𝗥𝗔𝗧𝗜𝗢 𝗜𝗠𝗣𝗘𝗥𝗔𝗧𝗔 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗟𝗔𝗠𝗜𝗗𝗔𝗗
Amang Makapangyarihan, Itinataas namin sa iyo ang aming mga puso ng may pasasalamat sa ganda ng iyong nilikha, kaisa na rin kami, sa iyong kabutihan, sa pagkakaloob ng aming mga pangangailangan, at sa iyong karunungan na gumagabay sa landas ng buhay.
Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa iyo at buong sangnilikha. Hindi kami naging mabuting tagapangasiwa ng Kalikasan. Hindi kami tumupad sa iyong atas na pangalagaan ang mundo.
Ang kalikasan ay dumaranas ng hirap dahil sa aming kapabayaan, at ngayon ay nagbunga ang aming pang-aabuso at kawalan ng malasakit.
Umiinit na ang mundo. May mga bagyo, pagbaha, pagputok ng bulkan at iba pang kalamidad ang patuloy naming nararanasan.
Nagsusumamo kami sa Iyo, Amang Mapagmahal, at pagkalooban kami ng kapatawaran sa aming mga sala.
Hinihiling namin na kami, sampu ng aming mga mahal sa buhay, at ng aming mga pinaghirapan ay malayo sa anumang banta ng kalamidad, maging likas man o kagagawan ng tao.
Nawa'y gisingin mo ang lahat na lumago sa pagiging mabuting katiwala ng iyong nilikha, at maging mapagbigay sa mga nangangailangan.
Amen.
San Rafael Arkanghel,
Ipanalangin Mo po kami!
21/10/2024
IKAWALONG ARAW NG PAGSISIYAM KAY SAN RAFAEL ARKANGHEL
Sa ngalan ng Ama + at ng Anak + at ng Espiritu Santo. Amen.
PAGSISISI
Panginoon naming Hesukristo, Diyos na totoo at tao namang totoo, na gumawa at sumakop sa amin. Sapagkat ikaw ang Diyos namin na iniibig namin nang masakit na masakit sa tanang loob namin ang pagkakasala sa iyo. Nagtitika kaming matibay na matibay na hindi na muling magkakasala sa iyo at ipinapangako namin na sa tulong ng mahal mong grasya na babaguhin na namin ang aming asal. Inaasahan namin sa iyo ang gawang walang hanggan, ang kapatawaran ng mga kasalanan namin at inihahain namin sa iyo na parang kawas ang aming buhay, ang madla naming gawang magaling, ang kamahal-mahalan mong dugo, ang maantak na Pasion at pagkamatay mo sa krus. Nagkasala kami, Panginoon. Maawa ka sa amin. Siya nawa.
PANALANGIN SA ARAW ARAW
Maluwalhating Arkanghel San Rafael, dakilang prinsipe ng pangkat ng mga anghel sa langit. Ikaw ang ilaw na lubhang maliwanag. Isa ka sa pitong matataas na parating humaharap sa luklukan ng Diyos, na iisa at tatlo sa pagka-persona. Iniaamo namin sa iyo, nang buong kapakumbabaan, na ikaw nawa ang maging pintakasi namin, upang sa gayon, ay kamtan namin ang aming ninanasa at hinihingi sa pagsisiyam na ito, kung yaon ay mauukol sa lalong kaluwalhatian ng Diyos, at kung hindi Arkanghel na Mahal, ay hingin mong ipagkaloob sa amin, ang lalong maging dapat sa karangalan niya at sa kagalingan ng kaluluwa namin. Siya nawa.
PANALANGIN SA IKAWALONG ARAW
Diyos at Panginoon ng mga Kerubin na binigyan Mo ng lubhang ganap at wagas na karunungan: iniaalay ko sa Iyo ang mga karapatan ng marurunong na Espiritung ito, gayon din ng kay Arkanghel San Rafael, na sa mataas na karunungan at pamamahala niya ay niyayari ang mga bagay na pinagkakaabalahan ni Tobias. Minagaling Mo ring sa pamamagitan niya ay pinagpala Mo ang pag aasawa ni Sara sa bagong taong ito. Siya rin naman ang dumalo at sumaklolo kay San Juan de Dios, na hindi natakot mamatay nuong nasusunog ang kanyang pagamutan sa Granada. Matapang siyang sumugba sa mga lagablab at nailigtas niya ang lahat ng may-sakit at ang mga damit nila. Inisip ng mga tao na siya ay natupok na at naging abo nang makitang damit man niya ay hindi naano ng apoy, at ito ay dahil sa kasama niya noon si San Rafael na siyang pumatay sa apoy upang huwag madaig ng apoy lupa ang kaniyang maningas na sinta sa Iyo at sa mga kapuwa niya tao. Isinasamo ko sa Iyo na ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang banal na pagkakatakot sa Kamahalan Mo, at sa saklolo nitong makapangyarihang San Rafael ay mapawi nawa sa kaluluwa ko ang apoy ng kahalayan at humalik ang apoy ng maningas na pagsinta sa kagalingan Mong walang hanggan. Kamtan ko naman sana ang tanging hinihingi ko sa pagsisiyam na ito kung yaon ay nauukol sa lalong dakilang kapurihan at kaluwalhatian Mo. Siya nawa.
PANAWAGAN
Kasama Kang tunay, Lubos
O bunying sugo ng Diyos
Ng Poong San Juan de Dios
Sa maysakit pagkukupkop
Pinagpala mong tanan
Tahanang mga hihigan
At sa salantang may damdam
Ang awa mo ay lubos naman
Gawa mong halimbawa
Sa amin ipakita mong pawa
Matuto kaming maawa
Sa maysakit at salanta.
PANALANGING PANGWAKAS SA ARAW ARAW
O dakilang prinsipe sa kalangitan, kalinis-linisang Arkanghel San Rafael, kami ay nagpupuri sa Panginoong Diyos na lumalang sa iyo. Naliligayahan ang aming kaluluwa, sapagkat ikaw ay espiritu sa langit. Isa sa pitong lalong malapit sa kamahalan ng Diyos. Ikaw ang saklolo ng mga naglalakad, aliw ng mga maawain, makapangyarihan sa mga inaalihan ng demonyo. Ikaw ang katibayan ng malilinis na loob, bunying sugo ng Diyos, sakdalan ng mga mag-asawa, pintakasi ng mga di magka-anak, at manggagamot ng mga maysakit sa mata. Kami ay nagpapasalamat sa Diyos na nagkaloob sa iyo ng malaking kapangyarihan, at maligayang inihahain namin sa iyo ang munting alay ng pagsisiyam na ito. Yayamang sa mahal na mga kamay mo ay marami ang gumiginhawa, kami ay humihingi sa iyo ng isang limos. At bagamat karapat-dapat na kami ay pagkaitan mo ng tulong ay umaasa pa rin kami na igagawad mo ang hinihingi namin. Nagmamakaawa kami sa iyo, alang alang sa Mahal na Pasion at pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo. Pakundangan rin naman sa mga karapatan ng kabanal-banalang ina niyang si Birheng Maria, gayon din sa pamamagitan ng mga anghel at banal sa langit. At sa mga karapatan noong mga nawili sa una, nawiwili hanggang ngayon, at mawiwili hanggang sa katapusan ng panahon sa pamimintakasi sa iyo na makakamit namin hinihingi naming biyaya sa pagsisiyam na ito kung yaon ay nauukol sa kaluwalhatian ng Diyos at sa ikabubuti ng aming kaluluwa. Purihin nawa ang Diyos at pasalamatan magpakailanman. Siya nawa.
PANALANGIN SA ARAW ARAW KAY SANTA MARIA
O kalinis-linisang Maria, kamahal-mahalang Birhen at Ina ng Diyos na makapangyayari sa lahat. Nagpapatirapa ngayon sa mahal Mong paanan itong dakilang makasalanan na pinarusahan na sana ng Diyos Ama kung hindi mo napamagitan sapagkat ikaw ang Ina ng mga makasalanan. Ipinagmamakaawa namin sa iyo nang buong pag-asa, ayon sa nakikita naming pagkamaawain mo, na huwag mong lingunin ang aming mga kasalanan, kundi ang mga karapatan ng alipin mong tapat, ang maluwalhating Arkanghel San Rafael, at hingin mo sa iyong Mahal na Anak na kami ay pagkalooban ng kanyang biyaya upang siya ay mapaglingkuran namin at huwag pagkasalahan. Matutuhan nawa naming pagsisihan ang mga nagawa naming sala at bukod sa biyayang hinihingi namin sa pagsisiyam na ito ay ipagkaloob mo rin naman ang pagkabantog ng Banal na Pananampalatayang Katoliko, ang kagalingan ng kanyang kabanalan, Papa Francisco, at ng mga obispo ng Diyosesis na ito. Loobin mo rin nawang magkaisa-isa ang lahat ng haring binyagan, ang kapayapaan at kaginhawaan nitong sangkapuluan at ang kapahingahan ng mga kaluluwa sa purgatoryo. O Maria, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain sa mga hirap at mga panganib at huwag mo kaming lisanin hanggang sa kami ay makita mo sa langit. Upang doon ay purihin namin ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo at ikaw rin naman na katamis-tamisang Ina namin, makarating saan man, siya nawa.
ANTIPONA
Maluwalhating Prinsipe, Rafael Arkanghel, alalahanin mo kami ngayon at kailanman, at parati mo kaming idalangin sa Anak ng Diyos.
V. Ang anghel ay nakatayong malapit sa dambana sa simbahan
R. Ang nasa kamay niyang insensaryo ay dalisay na ginto.
PANALANGIN
Diyos na inibig mong ang alipin mong si Tobias ay samahan sa mga lakad niya ng magandang palad na si San Rafael Arkanghel, isinasamo namin sa Iyo, na kaming mga alipin mo ay saklolohan ng maingat na pagtingin niya at parating kalingain ng kanyang tulong. Pakundangan sa Panginoon naming Hesukristo, Diyos na sumasaiyo, nabubuhay at naghaharing kasama ng Espiritu Santo, magpakailanman. Siya nawa.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Contact the place of worship
Website
Address
Cavite
4123