Ang Pinsel - AP Publications
Official School Publications of Longos National High School
Schools Division Office - Malabon
06/04/2026
Bago tuluyang isara ang ating kabanata, isang marubdob at taos-pusong pagbati sa ating mga Pinsel Awardees— mga tunay na sumakses! 🥳🎉
Kayo ay hindi lamang mga simpleng awardees, kundi kayo ay mga huwarang mamamahayag din na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kapwa mag-aaral na mangarap nang mataas at magsikap nang buong puso.
Ang inyong tagumpay ay bunga ng walang sawang pagsusumikap, tiyaga, at paniniwala sa sariling kakayahan.
Nawa’y magsilbi kayong ilaw at gabay sa iba pang kabataang nagnanais sumunod sa inyong mga yapak. Ipagpatuloy ninyo ang pagiging boses ng katotohanan at tagapagdala ng makabuluhang impormasyon sa loob at labas ng ating paaralan. Huwag kayong titigil sa pag-abot ng inyong mga pangarap, sapagkat kayo ang pag-asa at kinabukasan ng ating pamayanan.
Muli, isang taos-puso at marubdob na pagbati sa inyong lahat! Patuloy ninyong pagyamanin ang inyong talento at gamitin ito sa makabuluhang layunin bilang mga Pinsel Awardees. 🎉✨
14/03/2026
BALITA | 2 Longosian CJs, finalists sa NCR RSPC '26
Nasungkit nina Bianca Mae E. Andales at Mark Glend L. Tempog ang ikaapat at ikalimang puwesto sa Pag-uulo at Pagwawasto ng Balita at Pagkuha ng Larawang Pampahayagan sa pampinid na palatuntunan ng Regional Schools Press Conferences ngayong araw, Marso 14.
Kapwa sila nakipagtagisan ng husay sa pamamahayag laban sa 48 campus journalists mula sa iba't ibang lungsod ng National Capital Region.
Pinatunayan ni Tempog, two-time RSPC Qualifier, ang kanyang talento sa Photojournalism (Filipino) matapos niyang makapagpasa ng mga larawan na sakto sa paksa na 'emotion in motion'.
Aniya, "ito na ang huling taon ko sa Longos kaya ibinigay ko na ang lahat. No more trial and error. I need to be sure na sa aking mga larawan".
Sa kabilang banda, hindi lamang isang 'beginner's luck' ang napatunayan ni Andales sa kanyang kategorya na Copyreading and Headline Writing (Filipino).
Ayon kay G. Ricky Ranido, tagapayo at tagapagsanay nila Tempog, "nakatadhana si Bianca para rito mula sa sole survivor ng KAISA (School-Based Press Con) hanggang sa second placer ng DSPC."
Inilarawan naman ni Andales ang kanyang laban na mahirap at nakatutuyot ng utak.
"Dalawang pahina patungkol sa Sangguniang Kabataan ang kailangan namin itama. Pagkatapos, kailangan pang isulat ulit ito. Hindi na ako umaasa pero ayon nanalo pa nga," pagbabahagi niya.
Naging kalahok din sina Princess Jamaica Padila at Summer Avelino sa nasabing patimpalak para naman sa kategoryang Pagsulat ng Balita at Pagsulat ng Balitang Agham.
Via | Angel De Castro
07/03/2026
MONSAL SHOW UPDATE | Dala ng biglang pagbuhos ng ulan at technical adjustments, bahagyang may pag-urong sa iskedyul ng first show ng MonSal 2017 - Longos Montérnos Saltator ngayong hapon.
Dahil dito, inaabisuhan ng nasabing samahan na ang second show ay inaasahang gaganapin sa 6:30 ng gabi.
Via | Angel C. De Castro
06/03/2026
BREAKING NEWS | LNHS Taekwondo veteran nakasipa ng ginto sa NCR, lusot na sa Palarong Pambansa
THE long wait is over.
Ito ang pinatunayan ng Longosian Taekwondo Palaro veteran matapos makasungkit ng ginto sa National Capital Region Palaro at selyuhan ang tiyansa na makausad sa Palarong Pambansa ngayong araw, Marso 6.
Tinapos na ni Christopher M. Alonzo ang apat na taon niyang pangarap na makapagpalarong pambansa pagkatapos niyang pataubin ang lahat ng mga nakaharap sa Finweight division ng NCR Palaro.
"Kitang kita ko ang determinasyon ni Alonzo na ilaban ang Malabon at ipanalo ang mga naging laro niya kontra sa mga malalakas din na Sangay," pagbabahagi ni Bb. Jamelle Sollorin.
Matatandaan Baitang 7 pa lamang ay naglalaro na sya para sa Longos at para sa Sangay ng Malabon.
"Pangarap naming lahat na makapagpalarong pambansa. Titiyakin ko na sa huling laban ko ay ilulusot ko na ito," pahayag ni Alonzo sa publikasyon.
Inilarawan din ni Coach Jam na tunay na hinubog si Alonzo ng panahon. Ito na rin ang pagkakataon niya na bitbitin ang NCR at irepresenta ang Malabon sa Pambansang antas.
Kasama rin ni Alonzo na nakapuwesto si Charmaine Gracey Desamparado, fourth place, sa NCR - Taekwondo.
Kaugnay nito, kasado na rin na gaganapin ang Palarong Pambansa sa Agusan Del Sur na inaasahang buksan sa Mayo 24.
Via | Ryle Watson
28/02/2026
LATHALAIN | Sa Taas ng Tore, Sumibol ang Sining
Hindi lamang ang tanyag na kampana ng Manila Clock Tower ang umalingawngaw ngayong araw, Pebrero 28. Bagkus, kasabay nito ang pagtibok ng puso ng mga kabataang alagad ng sining, mula sa iba't ibang paaralan sa Metro Manila, na nakiisa sa Art Month Youth Empowerment Program.
Sa gitna ng mga makasaysayang pader, isang masining na pagtitipon ang nagbukas ng pinto para sa mag-aaral mula Baitang 5 hanggang 10. Sa hanay ng mga delegado, bitbit ng mga mag-aaral mula sa Longos ang kanilang pagnanais na matuto. Sa ilalim ng paggabay ni G. Kenneth Cunanan, naging kinatawan sina Jace Diosano, Axcel J. Abuga, at Marie Justimbaste upang sumisid sa mundo ng sining.
Pakikinig at Paglikha
Nagsimula ang araw sa pakikinig sa mga tampok na tagapagsulong ng Sining. Ibinahagi nina Jonathan Rañola, Patrick Naval, at Melissa Villaseñor na ang bawat obra ay may kwento—at bawat artist ay may boses. Hindi lamang simpleng pagbisita sa artwork ang naganap; nagkaroon din ng pagkakataon ang mga estudyante na direktang makipag-usap at humugot ng inspirasyon mula sa mga eksperto.
Ngunit ang sining ay hindi lamang sa mata; ito ay nasa kamay din. Sa pamamagitan ng Art Therapy session ni Ma’am Maryrose Gisbert, muling binalikan ang mga pundasyon: ang tamang pagporma ng bilog, ang laro ng anino (shadowing), at ang kakaibang tekstura ng sand paper art. Dito napatunayan na ang pagbuo ng isang simpleng mansanas o silindro ay nangangailangan ng pasensya at pagmamahal.
Sining bilang Karanasan
Bilang pangwakas, inakyat ng mga kalahok ang tuktok ng Manila Clock Tower Museum. Sa bawat hakbang paitaas, tila mas lalong lumalawak ang pananaw ng kabataan. Ang makita ang mga obra na nakasabit sa gallery ay nagbigay ng mensahe: balang araw, ang kanilang mga gawa ay mapapabilang din dito.
Ang programang ito ay hindi lamang basta workshop; ito ay pagpapaalala na ang galing at husay ng bawat mag-aaral ay kayamanan ng ating bayan. Sa pagbaba nila mula sa tore, bitbit nila ang bagong kaalaman at mas nag-aalab na pagnanasa na ituloy ang kanilang sining.
Via | Axcel Abuga
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Website
Address
Pampano Street, Baranggay Longos
Malabon