UP Manila CAS Student Council

UP Manila CAS Student Council

Share

Campaign-centered. Activity-based. Service-oriented.

01/05/2026

OPISYAL NA PAHAYAG NG KONSEHO NG MGA MAG-AARAL NG KOLEHIYO NG AGHAM AT SINING (KM-KAS)
Mayo Uno 2026 — Araw ng Manggagawa

Iskolar ng Bayan, makiisa sa laban ng mga manggagawa ng sambayanan!

Ngayong Mayo Uno, ginugunita natin ang Araw ng Manggagawa hindi lamang bilang pag-alala, kundi bilang araw ng paniningil at pakikibaka. Sa gitna ng tumitinding krisis sa kabuhayan, malinaw ang ating mga panawagan: sahod itaas, presyo ibaba; ipaglaban ang ₱1200 na living wage; manggagawang kontraktwal, gawing regular; at tanggalin ang mapang-aping 12% VAT. Ang mga panawagang ito ay hindi hiwa-hiwalay—ito ay magkakaugnay na laban para sa dignidad, kabuhayan, at kinabukasan ng uring manggagawa.

SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA. Habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa, patuloy namang tumataas ang presyo ng mga batayang pangangailangan—hindi lamang sa pagkain at kuryente, kundi pati sa langis at transportasyon. Sa kasalukuyan, ang sunod-sunod na oil price hike ay direktang nagpapataas ng pasahe at presyo ng mga bilihin, na lalong nagpapabigat sa araw-araw na gastusin ng mga mamamayang Pilipino. Sa isang bansang umaasa sa imported na langis, ang kawalan ng maayos at makatarungang pampublikong transportasyon ay nagpapalala pa sa krisis na ito—ang mga manggagawa ay napipilitang gumastos nang mas malaki para lamang makarating sa kanilang mga trabaho. Hindi sapat ang pansamantalang ayuda o subsidiya; ang kailangan ay sistematikong solusyon: kontrol sa presyo, pagbasag sa mga monopolyo ng langis, at pagpapaunlad ng abot-kaya at episyenteng pampublikong transportasyon.

IPAGLABAN ANG ₱1200 NA LIVING WAGE. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga manggagawa para sa kanilang kabuhayan. Ayon sa datos ng IBON Foundation, umaabot sa humigit-kumulang ₱1,200 kada araw ang kinakailangang family living wage para sa isang pamilyang may limang miyembro upang mabuhay nang disente. Sa kabila nito, ang minimum wage sa Metro Manila ay nananatili sa paligid ng ₱610 kada araw, halos kalahati lamang ng kinakailangang halaga. Ang agwat na ito ay nangangahulugan ng araw-araw na kakulangan—kulang sa pagkain, kulang sa serbisyong pangkalusugan, kulang sa disenteng pamumuhay. Ang pagtataas ng sahod ay hindi luho kundi pangangailangan; ito ay usapin ng buhay at dignidad.

MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL, GAWING REGULAR. Patuloy din ang paglaganap ng kontraktwalisasyon sa ating bansa, hindi lamang sa pribadong sektor kundi maging sa mismong pamahalaan. Libo-libong manggagawa sa gobyerno ang nananatiling job order (JO) o contract of service (COS) workers—walang seguridad sa trabaho, walang benepisyo, at madaling tanggalin anumang oras. Tinatayang umaabot sa higit 700,000 ang ganitong uri ng empleyado sa pampublikong sektor, na bumubuo ng malaking bahagi ng kabuuang workforce ng gobyerno. Ang ganitong praktika ay hindi lamang pagsasamantala—ito ay nagtatakda ng pamantayan na ginagaya rin ng pribadong sektor, kung saan ang kontraktwalisasyon ay nagiging normal at katanggap-tanggap. Ang estado mismo ang nagiging pangunahing tagapagtaguyod ng precarious labor na siya ring sinusundan naman ng mga malalaking burgesyang comprador sa ating bansa. Nararapat lamang na gawing regular ang manggagawang matagal nang pinagsasamantalahan ng isang mapang-aping sistemang umiiral para sa makasariling interes ng mga kapitalista.

TANGGALIN ANG 12% VAT. Ang Value-Added Tax ay isa sa pinaka-mapang-aping buwis na direktang nagpapabigat sa karaniwang mamamayan, dahil ito ay ipinapataw sa konsumo—ibig sabihin, mas mabigat ang tama nito sa mahihirap kaysa sa mayayaman. Ipinataw ang VAT sa konteksto ng lumalalang utang panlabas ng bansa, na pinalala ng mga patakarang ipinilit ng mga institusyong gaya ng IMF at World Bank. Sa halip na buwisan nang mas mataas ang malalaking korporasyon at mayayamang indibidwal, pinili ng estado na ipasa ang pasanin sa masa. Ang VAT ay malinaw na produkto ng isang sistemang ekonomiko na nakasandig sa interes ng dayuhan at ng iilang naghaharing-uri—hindi ng sambayanang Pilipino.

Bilang mga Iskolar ng Bayan at mga manggagawa rin sa malapit na hinaharap, ang mga panawagang ito ay hindi hiwalay sa atin. Ang laban ng uring manggagawa ay laban ng buong sambayanan sapagkat nakasalalay ang ating lipunan sa kanilang dugo’t pawis. Sa huli, tayo rin ang magiging bahagi ng lakas-paggawa na patuloy na pinagsasamantalahan ng isang sistemang hindi makatarungan, kaya ang ating edukasyon ay dapat mapaglilingkuran hindi sa iilan, kundi sa pagpapalaya ng nakararami.

Sa araw na ito, hindi lamang tayo nakikiisa—tayo ay lumalahok sa kolektibong pakikibaka para sa isang lipunang makatarungan, makabayan, at tunay na malaya.

Sahod itaas, presyo ibaba!
₱1200 living wage, ipaglaban!
Endo, wakasan—regularisasyon, ipatupad!
12% VAT, ibasura!
Uring magsasaka, pangunahing pwersa!
Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Want your establishment to be the top-listed Arts & Entertainment in Manila?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Telephone

Website

Address


1/F Rizal Hall, UP Manila College Of Arts And Sciences
Manila
1000