Balager

Balager

Share

nagsusulat, naglalakbay.

Photos from Balager's post 06/04/2026

Kasama sina Annette Hug, Wena Festin at Allan Derain sa isla! ๐Ÿ˜๐Ÿ˜๐Ÿ˜

23/12/2025

Sa may bahay... ang aming boto. Haha. Iboto ang Pamamahay!

1. Nonfiction Category
2. Backlist
3. Pamamahay

Nandito po ang link:

Vote here:
bit.ly/APCA2025FINALISTS

1 email = 1 vote

Final Voting Period:
December 19โ€“26, 2025

Winners Announcement:
December 28, 2025

God Bless Our Home ๐Ÿ ๐Ÿ’œ๐Ÿ 

11/12/2025

๐๐š๐ฌ๐š ๐ฆ๐ฎ๐ง๐š ๐›๐š๐ ๐จ ๐›๐จ๐ญ๐จ!

Nasa comment section ang link ng botohan at mabibili pa rin ang Pamamahay sa UP Press!

---

GAGAMBANG BAHAY
Emmanuel T. Barrameda

AKO ANG TAYA noong una akong nakipaglaro ng taguan sa mga bagong kakilala sa nilipatan naming bahay sa Ligas. Normal na kasi sa mga larong-bata na ang mahuli ang siyang magiging taya. Bilang bagong salta sa lugar na gustong magkaroon ng kaibigan, sumali ako. Ako ang huli kaya ako ang taya. Tinanggap naman nila ako nang buong puso, lalo na doon sa tayang nabalagoong na kahahanap sa iba. Humarap na ako sa puno, kumanta ng tagu-taguan maliwanag ang buwan at sinimulang magbilang ng isa hanggang sampu. Narinig ko yung mga yabag nila. Parang kahit nakapikit at nakatalikod ako sa kanila ay alam ko kung saan ko sila hahanapin. Kahit pa bagong salta lang ako sa lugar. Parang walang pinagkaiba doon sa mga kalaro ko sa Estrella. Pagkabilang ko ng sampu ay biglang dumating si Mama Jo at piningot ako pauwi ng bahay. Kanina pa raw nila ako hinahanap at kakain na pala kami. No choice ako kundi iwan ang mga bago kong kalaro. Kinaumagahan, hindi na nila ako kinikibo nung nakasalubong ko silang magkakaakbay papunta sa bukid. Umiba yung timpla ng mukha nila noong tinanong ko kung saan sila papunta, at lalo na nung tinanong ko kung puwede ba akong sumama. Sumagot yung isa, papunta raw sila sa bukid para manghuli ng gagamba. Ayun, nakatanggap ng malakas na batok mula dun sa parang tumatayong lider ng tropa. Sabay sabing, sabi ko sa iyo โ€˜wag mong kakausapin โ€˜yan e. Tatango tango naman yung sumagot sa akin.
Panahon pala yun ng paglalaro ng gagamba noong lumipat kami sa Ligas. Pang-apat na lipat-bahay na namin iyon sa apat na magkakasunod na taon. Yearly ako lumilipat ng eskuwelahan, yearly din naghahanap ng kaibigan, ng mga katropa, at yearly ring nagpapaalam. At parang masama ang simula ko doon sa Ligas. Pero kahit na ayaw nila akong isama noon sa bukid ay sinubukan ko pa ring sumama. Pero nung makita ko yung paparating na AUV ni Papa, sabi ko next time na lang. Lalong nagalit sa akin yung umaastang boss ng tropa. Bumalik na ako sa bahay at tinanaw ko na lang silang nanunulay sa mga pilapil mula sa bintana.
Marami-rami pa rin naman akong laruan mula sa mga ipinadala at iniuwi ni Mama Jo mula sa Hong Kong at malawak-lawak pa rin naman ang imahinasyon ko para bigyang buhay ang mga butil ng Lego, maliliit na sundalo, at mga kung ano-ano pang scrap sa isang sako kong laruan. Pero sa tatlong taong paulit-ulit kong paglalaspag sa mga ito, nakaramdam na rin ako ng pagkasawa. Yung tipong dahil lahat na nga ay nagawa ko sa mga laruan ko gaya ng pagpapalipad sa laruang baka at kambing papunta sa bubong at pagpapalangoy sa timba ng mga malalaki at maliliit kong robot, wala nang hinantungan ang mga laruan kundi ang pagkawasak. Pupugutin yung ulo nung action figure na superhero, pipilipitin yung buntot ng hayop na laruan, at iba pang karumaldumal na pangwawasak. Kaya habang tumatanda ako ay nababawasan na rin ang mga laruan ko, kung hindi ko winawasak ay winawala ko naman. Pakaunti na rin nang pakaunti ang naaabot ng malilikot kong imahinasyon.
Laging walang tao sa bahay. Dahil bakasyon, ako lang ang nakababad sa bahay habang si Papa Nhol ay namamasada at si Mama Jo naman ay nagtitinda ng mga RTW, at mamahaling kawali at kaserola. Iniiwanan lang nila ako ng almusal, pananghalian, at karaniwan ang hapunan ay dala na ni Mama Jo. Kung maganda ang biyahe, may dalang pasalubong na Mcdo o Jollibee si Papa Nhol. Palaging ganun. Palagi ring may bilin si Papa Nhol na, โ€˜wag lalabas, โ€˜wag pupunta sa ganito at ganyan. Ang dami-daming ipinagbabawal. Kapag nasa bahay naman ang kung sino sa kanila, kailangang matulog sa tanghali.
Minsan, inilabas ko yung mga laruan ko. Pinili ko si Daimos, yung pinakamalaki sa lahat ng robot ko na iniahon ko pa mula sa batya ng tubig. Sa laki ng robot ko, sigurado ako nun na pagkakaguluhan ako ng mga kapuwa kong bata. Dinatnan ko silang nagkukumpulan sa may gutter malapit sa basketball court. Patakbo akong lumapit sa kanila with matching sound effects pa yung paglipad ni Daimos. Pataas, pababa, tapos lilipat sa kanang kamay, babalik sa kaliwa. Hanggang sa maglanding siya sa may umpukan ng mga bata. Walang kumikibo sa akin, lahat abalang nakatutok sa nagsasabong na gagamba sa stick ng banana cue. Binitiwan ko si Daimos at nakiusisa rin sa salpukan ng dalawang gagamba. Sigaw sila nang sigaw kapag umaatake yung isa at umaatras yung kalaban. Ganun din kapag yung kalaban naman ang sumusulong. Lalong magkakagulo kapag may kamuntikang malaglag mula sa stick at lahat ay humahanga rin kapag nakababawi ito at muling nakakasampa sa stick. Ginabi na ako kakanood sa laban. Nakalimutan na yata nila yung minsan kong pag-uwi noong nagtataguan kami sa una kong dating doon sa subdivision. Nakilala ko yung boss ng tropa bilang si Badong, mas matanda siya sa akin sa eskuwelahan ng isang taon pero sa tunay na buhay high school na dapat siya. Yung isa namang nagsabi na papunta silang bukid ay si Jap-jap, maliit na sidekick ni Badong, mas matanda ako ng isang taon. Tinanong nila kung may gagamba ako. Para bang initiation rites bago makasali sa tropa nila. Sabi ko wala, pero mayroon akong robot. Ipinakita ko si Daimos sabay sabing marami pa akong laruan sa bahay. Ngumiti lang sila sa akin. Parang iniinsulto nila si Daimos. Sabi ko natatanggal yung kamay ng robot ko at nakalilipad. Pero wala na yung mata nila sa akin at nakabalik na sa kahon ng posporo na nagsisilbing bahay ng kanilang mga gagamba. Naisip ko nun, kailangan kong magkaroon ng gagamba.
Inispatan ko agad yung mga agiw sa bahay. Tinunton ko yung ruta ng mga sapot para makita kung saan nagtatago ang mga gagamba, pero wala. Kaya habang wala pa akong gagamba sa mga kamay ko, si Daimos muna ang dala ko habang nanonood sa mga laban ng gagamba. Nagtatanong-tanong na rin ako kung saan makahuhuli ng mga gagamba. Sabi nila sa bukid daw maraming matatapang na gagamba. Naalala ko yung kasunduan namin ni Papa Nhol na pwede akong maglaro sa labas pero bawal akong pumunta sa bukid sa likod ng subdivision. Masunuring tupa naman ako kaya nang ayain ako ni Badong at Jap-jap, nagdahilan na lang ako, sila naman ay ngingiti-ngiti lang. Parang nasanay na. Umuwi na lang ako sa bahay at nanood ng TV.
Para bang status symbol sa mga bata noon sa Ligas yung pagkakaroon ng alagang gagamba. Kung gaano kabagsik at katapang ang mga gagamba e yun din ang status ng mga amo nila sa tropa. Dahil hindi naman gagamba si Daimos, wala pa akong status sa mga batang kalaro ko. Maliban kay Badong at Jap-jap ay dumarami na sa mga bata ang may hawak na kahon ng posporo na may gagamba. Pati si Jessa, isa sa mga babae sa tropa ay nakikipaglaban at nananalo na rin ang alagang gagamba. May mga dumadayo na rin galing sa labas at kabilang subdivision para makipaglaban ng gagamba. Habang ako ay nanonood lang. At dumating yung araw na ako na lang ang walang gagamba sa tropa. Tuwing hapon sila pumupunta sa bukid para manghuli ng gagamba o kaya para manghuli ng mga insektong ipapakain sa mga alaga nila. Sabi ko kay Jap-jap, ihuli na lang ako. Pero ayaw niya sabay sabing, sumama ka na lang kasi, si Jessa nga kasama namin o. Ngumiti lang ako at umuwi sa bahay.
Nakakalat pa rin ang ilang gamit ko sa kuwarto sa bahay. Kahit na mag-iilang linggo na rin kaming nakalipat, hindi ko pa rin naaayos ang kuwarto ko. Paulit-ulit na akong pinapagalitan ng mga magulang ko. Noong hapong iyon pinili ko na lang na isalansan ang mga laruan ko sa cabinet. Ilang araw na rin kasi akong kinukulit ni Mama dahil ilang ulit na niyang naaapakan niya โ€˜yung mga piraso ng Lego kapag pumapasok siya sa kuwarto ko. Pagkabukas ko sa cabinet, jackpot. Isang gagambang bahay na nananahi ng kanyang mga sapot ang nakatambay sa loob. Sa sobrang tuwa ko napatakbo ako papunta sa altar para kunin ang kahon ng posporo. Itinapon ko ang mga palitong laman ng kahon at saka patakbo uling bumalik sa kwarto. Minatyagan kong mabuti ang gagamba at nang makakuha ng tiyempo ay ikinulong ko sa kamay ko yung gagamba. Para akong nakatagpo ng bagong kaibigan. Kumuha agad ako ng dahon ng malunggay sa may katabing bakuran at inilagay sa kahon ng posporo. Isinilid ko na muna sa kahon ang mga laruang ipinaliligpit sa akin. Kinaumagahan, pumunta ako sa kumpulan ng tropa. Iniwan ko muna sa batya si Daimos at nasa kamay ko ang kahon ng posporo na may gagamba. Ipinakita ko ito sa lahat at natuwa naman sila, parang ngiting welcome to the gang. Bilang bahagi ng initiation rite at pagyayabang na rin, sabi ko, ako naman ang lalaban. Hinamon ko ang gagamba ni Badong. Ganun naman sa mga laro sa Playstation, kapag natalo mo ang boss, isa ka nang dakila. Noong una ay ayaw pang lumaban ni Badong, baka daw matalo lang ako. Tinangay na ako ng malakas na hangin, sabi ko sa kanya, baka takot lang siyang matalo sa akin. Nagalit ko ata siya at mabilis niyang inilabas ang kanyang gagamba sa bahay nito at inihanda naman ni Jap-jap ang stick ng banana cue. Dumami ang bata sa kumpulan nang makarinig na may labang mangyayari. Nasa stick na ang gagamba ni Badong at inaabangan ang ilalaban kong gagamba. Inilabas ko ang alaga kong gagamba mula sa posporo at biglang nagtawanan ang mga kalaro ko. Napasigaw si Badong, ano โ€˜yan merienda? Natatawa na rin si Jap-jap at Jessa. Habang yung ibang pumunta sa kumpulan ay bumalik na sa pagkakaupo sa gutter. Ilalaban ko, sigaw ko. Bumulong si Jessa, hindi mo pwedeng ilaban ang gagamba mo dahil buntis yan. Kita mo botsog na botsog yung likod o. Hindi ko na siya naririnig. Isinampa ko sa stick yung gagamba ko. Mabilis pa sa ala una ang pagkakasapot ng gagamba ni Badong sa gagamba ko. Lalong nagtawanan ang ilang natirang nanonood. Nadurog ko na lang ang kahon ng posporo sa kamay ko at patakbong umiyak pauwi ng bahay.
Ilang araw din yata akong hindi lumabas ng bahay. Mula sa bintana, tinatanaw ko lang silang nanunulay sa pilapil sa bukid. Samantalang ako, tuluyan nang isinalansan sa cabinet ang mga laruan ko sa sulok. Nagbakasakali ako na may iba pang gagamabang bahay sa mga cabinet, pero wala na akong nakita ni isa. Nagtataka si Mama at Papa kung bakit hindi na ako lumalabas ng bahay. Ngumingiti lang ako at sinasabing manonood na lang ako ng TV.
Noong buwan ding iyon, nagbakasyon ako sa bahay ng Lola ko sa Crame kasama ang mga pinsan ko. May mga kahon din sila ng posporong hawak sa mga kamay nila. Nakikipaglaban din sila sa mga kumpulan ng mga batang may alaga ring gagamba. Again, wala na naman akong status sa hanay ng mga pinsan ko. Nakikinood pa rin ako sa pakikipaglaban nila habang hawak-hawak si Daimos. Magagaling yung mga gagamba nila, talagang hindi natatalo. Tingin ko, hindi mananalo yung gagamba ni Badong kahit doon sa pinakamahinang gagamba ng mga pinsan ko. At kung sa amin sa Ligas ay kahon ng posporo ang bahay ng mga gagamba, ang ilan sa kanila e mga plastic na parang Tupperware na may mga division para sa magkakapitbahay na alagang gagamba. May iba namang gawa sa katawan ng saging na binutasan para maging kwarto ng kanilang mga alaga. Ang ipinagtataka ko e, wala namang bukid sa Maynila, saan nila nahuli yung mga mababagsik nilang gagamba? Gawa kaya sa semento at bakal ang mga gagamba nila kaya malalakas? Doon ko nalamang binibili pala nila ito doon sa mga katropa nilang nanggagaling ng Batangas at Rizal para magbakasyon. Dahil sa inggit ibinili ko ng gagamba yung ibinigay na isandaan ng lola ko. Gagambang tala daw ang tawag doon. Parang may nunal sa puwit. Sabi ng pinsan ko, matapang daw iyon at mabagsik. Nang testingin ko sa isang mahinang gagamba, magaling nga. Wala pang isang minuto nasaputan na ang kalaban niya. Inilaban ko rin siya sa mga umpukan ng mga batang may alaga ring gagamba. Puro panalo. Magaling nga ang bago kong alaga.
Nang makabalik sa Ligas, hinanap ko agad si Badong. Tiniyempuhan ko sa bintana at nakita ko silang tumatawid sa pilapil. Eksaktong kaaalis lang ni Papa para pumasada. Nang makita ko sila, tinawag ko agad si Badong at napalingon ito sa bahay. Sabi ko hintayin ako at hahabulin ko sila. Hindi nila kasama si Jessa. Si Jap-jap lang ang naroon at iba naming kalarong lalake. Malamang e maghahanap sila ng ipapakain sa mga alaga nila. Eh di dapat ako rin. Nakalagay lang sa bulsa ko ang plastic na bahay ng gagamba. Tinawid namin ang pilapil, nilingon ko ang bintana ng bahay namin. Pakiramdam ko lumaya ako mula sa hawla ni Mama Jo at ni Papa Nhol. Ikinakampay-kampay ko pa ang mga kamay ko na parang ibong nag-aaral lumipad sa bukid. Nang marating namin ang ilat, namitas sila ng dahon ng bayabas, ako rin. Baka ito kako yung ipinapakain sa mga gagamba. Tumawid sila sa tulay na kawayan, ako rin. May maliit na kubo na naghihintay sa amin. Lumabas mula doon ang isang matandang lalake. Caviteรฑong-caviteรฑo ang punto. May hawak itong labaha at martilyong gawa sa kahoy. Nagsipaghubaran ng salawal sina Badong, Jap-jap, at iba pa naming kalaro, ako hindi. Pumila sila at isa-isang nagpatuli sa matandang lalake. Pagkatapos isa-isa silang tumatalon sa ilog. Nang ako na lang ang natitira, pinauupo na ako ng matandang lalake, galit pa at masungit. Nagtatawanan yung tropa habang nagbabasaan sa ilog. Sumigaw ulit yung matanda at doon na ako mabilis na tumakbo pauwi. Inabutan kong nakaparada ang AUV ni Papa Nhol sa harap ng bahay. Naiwan ko palang bukas ang bahay. Katakot-takot na palo ng sinturon ang inabot ko. Naglatay lahat ng โ€˜yun sa hita at braso ko. Mas masakit pa siguro ang mga palong iyon kaysa doon sa pukpok ng matandang lalake, tuli na sana ako. May bonus pa akong isang linggo hindi puwedeng lumabas ng bahay. Ayos lang naman sa akin dahil malamang e hindi rin makalabas ng bahay yung mga bagong tuli kong kalaro. Palalakasin ko na lang yung alaga kong gagamba.
Pagkatapos ng isang linggo, lumaya na ulit ako kasama ang mas malakas kong gagamaba. Dinatnan ko ang mga bagong tuli na nasa kumpulan ulit sa may gutter. Pero walang stick na hawak si Jap-jap. Wala rin ang mga kahon nila ng posporo. Nandun sa gitna si Badong at hawak sa kamay ang kalahating dangkal ng teks. Habang si Jap-jap ang pumipitik sa mga pamato at panabla. Lahat ay inaabangan kung tsutsub o tsatsa ang mga teks. Naiwan na naman akong nanonood habang mahigpit ang pagkakakapit sa plastic na bahay ng gagamba. Nasaan na yung mga gagamba nโ€™yo? bulong ko kay Jap-jap. Pinalaya na raw nila dahil teks na raw ang uso.
Pinalaya ko na rin yung gagamba pagkatapos ng isang linggo. Nakabili rin ako ng teks sa tindahan at nakapitik bago pa malaos at mapalitan ng holen at pogs. Nag-iba iba na ang mga usong laro pero naroroon pa rin nakasabit sa dingding ng bahay ang mga regulasyon ni Mama Jo at Papa Nhol. Parang mga sampung utos ng diyos na hindi pwedeng baliin. Sinusunog at itinatapon nila yung mga teks, holen, at pogs kapag ginagabi ako ng uwi o may hindi ako nagawa sa mga utos nila. Sa paglipas ng mga taon, unti-unti na ring nalaos yung mga regulasyon sa bahay. Pero nasanay na rin akong hindi lumalabas ng bahay, ng kwarto. Pagkatapos ng dalawang taon kinailangan na naman naming lumipat ng bahay, at isa pang taon lipat ulit. Patuloy lang, paulit-ulit na proseso. Nagkandaubos ang mga laruan at nagkasya na lamang sa kahon ng posporo ang aking imahinasyon.

๐Ÿ ๐Ÿ’œ๐Ÿ 

Want your public figure to be the top-listed Public Figure in Virac?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Category

Telephone

Address


Virac
4800